Napabilang si "My Special Tatay" leading man Ken Chan sa mga inductees ng Eastwood City Walk of Fame sa ika-13 anibersaryo nito. 

Nakatakdang tanggapin ni Ken ang kaniyang star sa TV category mula sa German Moreno Foundation sa darating na ika-10 ng Disyembre, kasama sina Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach, TV host at comedian Vhong Navarro, at ang aktor na si Derek Ramsey. 

Tatanggap din ng parangal mga haligi ng industriya na sina Chito Roño at Marichu Vera Perez-Maceda. Si Roño ang nasa likod ng mga pelikulang "Dekada 70", "Feng Shui" at "The Healing", samantalang si Maceda ang pioneer ng Sampaguita Pictures.

Nanggaling ang ideya ng Walk of Fame kay "Master Showman" German "Kuya Germs" Moreno. Nagsimula ito noong 2005 at layon nitong bigyang-parangal ang mga aktor, aktres, at mga personalidad na nagbibigay inspirasyon dahil sa kanilang larangan.

"It will be a big disservice not to continue my father's legacy project. It has always been his dream to honor the stars that have made a significant contribution to the entertainment industry," saad ni Federico Moreno, President ng German Moreno Foundation at Walk of Fame Philippines.

Matatandaang nagsimula si Ken sa "Walang Tulugan with the Master Showman" kasabay ang iba pang Kapuso stars na sina Jake Vargas at Jak Roberto.

Gumanap si Ken sa mga Kapuso shows na "Destiny Rose" at "Meant To Be", at sa "My Special Tatay" nitong taon. Napapansin ngayon ang magaling niyang pagganap bilang isang lalaki na nasa Autism Spectrum. 

Gaganapin ang Eastwood City Walk of Fame's 13th Anniversary sa Eastwood Central Plaza, ayon sa pamunuan ng Megaworld. — Jamil Santos / AT, GMA News